Wednesday, July 14, 2010

Para akong na-rape!

Ako? Hindi ah ngunit iyan ang narinig ko sa babaeng kasama kong nakipagsiksikan sa pagpasok sa istasyon ng MRT Shaw kahapon.

Natapos ng bandang 4:30 ng hapon ang Networking subject namin kaya't mga 20 minuto pa kaming nanatili sa paaralan para... wala lang, tumambay habang unti-unting lumalakas ang ulan na dulot ng bagyong Basyang. Gustong-gusto ko nang umuwi nang mga oras na yun kaso tinamad ako at ayokong gumastos para lang sa taxi. Pasalamat na lamang kami at inalok kami ng isa naming kaibigan na sumabay sa kanya papuntang Edsa Shangri-la at Megamall. Napakaluwag pa ng mga daanan nang kami'y umalis sa paaralan. Nang kami'y dumating sa J.Vargas patungong Megamall, sobrang puno lang naman ng mga daanan doon dahil sinara yung daanan papuntang EDSA. Inabot kami ng sobra sa 15 minuto kakaantay na umandar ang mga sasakyan.. wala namang nangyari. (Buti, hindi malungkot sa sasakyan habang kami'y nagkukulitan kami) Kaya naman, bumaba na lang kami sa gitna ng kalsada.

*fast forward*

Pagkadating ko sa MRT, mga 6:30 PM, nag-panic ang puso ko. Bakit? Jusmeh, tinigil ang pila sa pag-inspection ng gamit at pagbili ng mga ticket. Punong-puno ang istasyon ng mga oras na iyon at naghintay nanaman ako ng 15 minuto para makabili ng ticket patungong North Edsa (6:45). Nang makababa ako sa istasyon para sa mismong dinadaanan ng tren, sobrang punuan lang lalo na sa sakayan ng mga babae. Nagtutulakan, nagsisigawan at nagmumurahan ang mga tao nang dumating ang unang tren patungong norte. Tumingin-tingin ako sa paligid ko at napansin ang kabilang parte ng sakayan (patungong Taft) na kaunti lamang ang sasakay dito kung ikukumpara sa lugar kung nasaan ako. Naisipan kong gawin muli ang "eksperimentong" ginawa namin ng isa kong kaklase: ang sumakay muna sa tren patungong Taft at antaying umikot ang sinasakyan patungo sa norte. Yun nga lang, inatake nanaman ako ng aking katamaran kaya't nag-desisyon na lang akong antayin ang ilan pang tren... parehas rin lang naman ang oras na lilipas, napagtanto ko.

Habang naghihintay sa ikalawang tren, inoobserbahan ko ang mga kasama kong mga kababaihang nakikipagsiksikan din. Mayroong dalawang babae roon na nagpapalitan ng opinyon nila kung paano papipilahin ang mga tao sa MRT at kung anu-ano pang mga bagay na nagsisimula sa "dapat... dapat" at "dapat". Pakiramdam ko, kung nandoon ka, imbis na sumang-ayon ka, maiisip mong tanungin sila kung sila ba ang batas. Parang ganito, "Talaga? Batas ka?"

Mayroon ding mga taong nagsasabing sana pinalalabas na lamang muna ang mga nakasakay nang dumating ang ikalawang tren. Tama nga naman... ngunit sa tingin mo ba, kung ikaw ang nakikipagsiksikan sa mga panahong katulad ng ganun: pawis na pawis at init na init ka na sinamahan pa ng mga taong nagtutulakan at atat na atat pumasok sa tren, di ka pa ba papasok kaagad? Kahit sobrang tinutulak ka pa ng malaking babaeng tulak na tulak sa'yo patungo sa loob, aatras ka pa? Kahit gustong-gusto mong palabasin muna ang mga taong lalabas, hindi mo iyon magagawa. Seryoso, subukan mo pa (except na lang kung may super strength ka. Haha, corny.).

Nakalagpas na ang pangatlo, pang-apat na mga tren tapos may isang "skipping train" na wala namang laman. Natuwa lahat ng tao sa mga oras na iyon ngunit nilagpasan lang kami nito. Alam niyo yung pakiramdam? Yun bang antagal-tagal mo nang naghihintay sa crush mo, nagpaganda ka pa naman, at nang dumating siya parang wala lang. Ang pinagkaiba lang mas masakit yung sa crush mo pero masakit din yung lagpasan ka ng treng walang laman. Bakit kami nilagpasan? Sabi ng guard, "Walang aircon yun! Tsaka mabagal!" May isang matandang babae nagkumento na "Okay lang kahit walang aircon! Pwede namang buksan yung bintana eh." Ganun na lang kadesperada ang mga babae sa mga oras na iyon. (mga... 7:15) Inakala kong makalipas pa ng isang oras ako makararating sa istasyon ng North.

Sa panlimang tren, ako na mismo ang tumulak sa kanila at buti naman, nakasakay na ako.

Unang pagkakataon kong maranasan ang isang pawising paglalakbay patungong TriNoma. Literal yun. Dun ko rin napagtanto na sa MRT, makakasalamuha ko ang iba't ibang tao. May mga swapang, walang pakialam at mababait na nagpapadaan. Desisyon ko na lang iyon kung papatulan ko ang mga naunang grupo ng tao.

Natutunan ko rin ang isang mahalagang bagay sa buhay: sa kahit anong bagay, paunahin ang mga lalabas. Huwag magpumilit kung hindi na kaya at kung mayroon pang laman.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...